...at sana, huwag ninyo akong husgahan. Dahil blog ko naman ito, minarapat ko naring isulat dito ang isa sa aking mga naranasan na alam kong maaring makapagpabago ng tingin ng mga tao sa akin magpakailanpaman. Pero gusto ko lang malaman ninyong lahat na wala akong pakialam sa iisipin ninyo. Isinusulat ko ito dito upang gawing isang patunay na nalampasan ko na ang pagsubok na ito.
Noong summer, natuto akong manigarilyo.
Hindi ko alam, ngunit matagal ko nang gustong gawin ito. Malabo nga, kasi parehong lolo ko ay namatay dahil dito. Malabo kasi sinabi ko sa sarili ko na hinding-hindi ko iyon susubukan. May hika pa ako. Pero hayun. Sinubukan kong iwasan ito, pero mahina talaga ako.
Sinindihan ko ang una kong yosi (isang Philip) sa UP, isang gabing pauwi ako nang mag-isa. Para akong tanga. Pinilit kong gustuhin ang una kong hithit kahit hindi siya masarap sa pakiramdam. Para akong humithit ng usok galing sa sinisigaang mga kahoy o tambucho ng sasakyan pero pinilit kong gustuhin. At doon na nagsimula ang lahat.
Nakakaisang stick ako isang araw, na naglaon ay naging dalawa. Naging tatlo, ngunit pinilit kong huwag maging apat. Natuto ako kung paano magbuga ng pinong usok, at natuto rin ako kung paano magsalita nang hindi ibinubuga ang usok mula sa aking baga. Natuto't umunlad ako. Parang skill, kung baga.
Sinasabi sa bawat pakete at mga commercial sa TV na 'GOVERNMENT WARNING: smoking is dangerous to your health.' Alam ko ang katotohanan nito dahil isa akong maituturing na alagad ng siyensiya. Isang malaking kabalintunaan na isa akong Bio major na naninigarilyo. Alam ko ang mga kemikal na makakasama sa kalusugan na ipinapasok ng bawat stick sa katawan ko. Carbon monoxide, Fomaldehyde, Arsenic, pero nawalan ako ng pakialam. Ang iniisip ko na lang bilang panakip sa lahat ng mga alam ko bilang isang Bio major ay ang warning na yun ay galing naman sa gobyerno. Putsa, sino pa ba ang naniniwala sa gobyerno? Nakakatawa mang isipin, pero ang pangangatuwirang ito ay matagal ko nang naisip bago pa man ako nagsimulang manigarilyo. Sinasabi ko pa nga na dapat nakalagay ay 'Surgeon general warning', hindi 'government warning'. Baka sakaling marami pa itong mapatigil sa pagyo-yosi. Pero base sa aking naranasan, palitan man ang warning sa bawat pakete at commercial ng sigarilyo ay mukhang hindi ito magkakaroon ng epekto sa mga tumatangkilik ng Philip, Marlboro at Dunhill katulad ko.
Sa bawat pag-uwi ko, naamoy ko ang amoy ng aking lolo matapos niyang manigarilyo sa aking sarili matapos kong umubos ng isang stick. Ang nakakatawa rito ay hinding-hindi ko nagustuhan ang amoy na iyon noong bata pa ako. Hindi ko akalain na ganoon rin pala ang aking magiging amoy sa hinaharap.
Masarap magsindi, humithit at bumuga. Ngunit hindi masarap magtago habangbuhay. Menthol candy at paglalagay ng pabago ang pader ko mula sa paghihinala ng mga taong nakapaligid sa akin. Isa pa, magaling akong mag-deny. Minsan naamoy ako ng aking kapatid. Sabi ko naninigarilyo ang katabi ko sa antayan ng jeep sa UP. Naniwala siya, gaya ng iba.
May thrill man ang pagtatago, hindi rin maikakaila na mahirap mabuhay ng may tinatago. Lagi akong takot. Bago ako sumindi ay sinisigurado ko munang walang makakakilala sa akin. Pumupunta lamang ako sa mga smocket kapag gabi na. Nakakasawa sa pakiramdam. Hindi ko rin ito nakayanang itago sa mga tao, lalo na sa mga taong mahal ko.
Nagkaroon kami ng pangako ni Jericho sa isa't isa. "You smoke, I smoke." Nangangahulugan na sa aking paninigarilyo ay puwede na rin siyang sumindi kagaya ko. Hindi ko nakayanan ang imaheng nakita ko sa utak ko.
Sinabi ko narin kay Jericho noong gabi ng debut ng aking kaibigan sa Laguna.
Umiyak siya. Nasaktan.
Noon ko lamang naisip kung gaano ko siya sinaktan sa aking ginawa. Ipinlano ko pa naman na itago ito sa kanya hangga't sa kaya ko.
Wala akong narinig mula sa kanya kundi ang mga tanong niya. Kailan. Ilan. Bakit.
Bakit.
Inisip noon kung bakit ako nag-yoyosi, at marami akong naibigay na dahilan. Stressed ako, at naghahanap ako ng compensation sa itinigil kong gawain. Lingid sa kaalaman ng karamihan na isinusuka ko ang aking mga kinakain. Tumigil ako dahil may taong tinulungan akong tigilan ito. Ngunit nang tumigil akong magsuka ay naghanap ako ng stress reliever, at tila yosi ang sumagot sa aking paghahanap. Isa pa, mas nakakapag-isip ako pag sumindi na ako. Mas nalilinaw ang mga bagay na malabo, at marami akong naiisip na naiisip ko kapag mahilo-hilo ako sa usok. Pero, hindi ko iyon ginawa dahil pa-cool ako. Putsa. Asa. Alam kong smoking isn't cool. Sabi ko nga, kung pa-cool lang ako, bakit ko ito itinatago sa karamihan? Anong cool sa pagsira sa sarili mong mga baga?
Pero kahit na may ikinatuwiran ako sa kanya, umiyak din ako. Humigi ng tawad.
Sa ngayon ay mag-iisang buwan na akong walang nikotina sa katawan. Tinigilan ko ito sa tulong ni Jericho. Naagapan ang pagsira ko sa sarili kong mga baga.
Maraming tanong ang nasasagot sa aking pagyoyosi, ngunit hindi ko napansin na mas maraming tanong pa ang naibabalik nito sa akin. Hindi sagot ang aking nakukuha, ngunit mas marami pang tanong na maaring hindi ko na masagot dahil unti-unti kong inuubos ang buhay ko.
Hindi ko itatanggi na kahit papaano ay naiisip ko parin ang pakiramdam ko noong naninigarilyo pa ako. Siguro may parte sa akin na naiisip ang lasa ng usok sa labi sa tuwing may nakikita akong naninigarilyo. Cliche man pakinggan, pero may parte sa akin na ayaw nang balikan ang gawaing iyon dahil mas marami ang mawawala sa akin kapag naulit pa iyon. Sabi nga ni Jericho, gawin ko ito para sa akin at sa magiging mga anak ko sa hinaharap. Sa palagay ko, husto nang dahilan ito para tumigil ako ng tuluyan.
# correspondence ended @
4:03 PM
|