Sa tuwing aalis ako papuntang eskwelahan ng naka-tsinelas, hindi mapigilan ng nanay kong sabihan ako tungkol dito, gaya na lamang nung isang araw. Kesyo daw hindi tama na nakatsinelas lang ako dahil hindi naman palengke pupuntahan ko, at hindi ito tamang gayak ng isang estudyante ng Ateneo. Buti nga daw sana kung
Havaianas ang mga
flip-flops ko.
Kung may ikagugulat man ako sa huling pahayag ng aking ina, hindi ito ang paghihiwatig niyang alam niya pala ang tatak ng tsinelas na
Havaianas, kung hindi ang burgis na pagtingin niya sa dapat isuot ng mga taong pumapasok sa Ateneo. Dito na pumasok sa aking isipan ang matinding pagbabago sa mga bagay-bagay sa kontemporaryong panahon, lalo na sa mga simbulo ng kahirapan at karangyaan.
Nakakatawang isipin na noon ay simbulo ng kahirapan ang tsinelas. Noon, ang mga nagsusuot lamang ng tsinelas sa labas ng kanilang mga tahanan ay mga taga-probinsya at baryo. Kapag isinuot mo ang iyong tsinelas bilang panlabas--pansimba, pagpunta sa parke upang mamasyal, panonood ng sine o di kaya'y simpleng paglalakad sa mga kalye ng Maynila--ay dukha ka na at walang
class ang tingin sa iyo. Naikukuwento sa akin ng aking ina na noong kolehiyo pa sila ay talagang pinahahalagahan nila ang kanilang mga sapatos. Alagang-alaga ang mga ito kahit na araw-araw nila itong ginagamit pampasok sa eskuwela't panlabas. Hindi ka puwedeng pumasok ng Unibersidad kung nakatsinelas ka lamang. Nang nauso ang mga mall bilang mga pasyalan ng karamihan ay mas tumindi ang pangit na tingin sa mga tsinelas at sa mga nagtsitsinelas. Naalala ko noong pa bata ako ay hindi kami maaring pumunta ng mall ng naka-tsinelas lamang. Kelangang naka
rubber shoes o di kaya'y
clogs ayon sa aming ina. May mga nakapaskil kasi sa mga
entrance ng mall na nagsasabing
The following are not allowed inside the mall premises:-Pets-People wearing sandos, shorts and rubber slippers
Ngayon ko lamang naisip na tila ibinaba sa lebel ng mga alagang hayop ang mga taong naka
-sando, shorts at tsinelas noon.
Ngayon, hindi ko na kailangan pang ipaliwanag o ilarawan pa ang nauuso sa kasalukuyan. Ako mismo ay bahagi nito, at alam kong marami sa inyo ay nakasakay sa
bandwagon na ito, malay man kayo o hindi. Dito ko nakikita kung gaano ako namamangha at napapaisip tungkol sa kapangyarihan ng mga mayayaman sa mga lipunan ng mundong ito. Nakakaya nilang baliktarin ang mga reyalidad na dati'y hindi katanggap-tanggap at hubugin ito bilang isang bagong
norm. Isang tradisyunal ngunit magandang halimbawa nito ang
foot binding na isinasagawa ng mga sinaunang mga babae sa Tsina. Ang mga paa ng mga babaeng ito ay pinapaliit hanggang sa tatlong pulgada gamit ang pagbalot ng isang pirasong bakal o bubog sa talampakan. Ang korte ng paa ay pasusunurin sa bakal o bubog na ito sa pamamagitan ng pagbali sa mga buto ng paa ng paunti-unti gamit ang telang mahigpit na ibinalot sa buong paa. Sinasabing ito ay nagmula sa
royal court nang may isang prinsesa na pinanganak na maliit at walang porma ang kanyang mga paa. Upang hindi isipin ng prinsesa na hindi siya normal at nakakadiri ang kanyang kalagayan ay ipinagutos ng emperador na ang lahat ng paa ng mga babae sa kanyang palasyo ay gayahin ang kalagayan ng prinsesa sa pamamagitan ng
foot binding. Isinasagawa lamang ito ng mga mayayaman sa lipunan noon sa mga batang babae, ngunit nang naglaon ay isinagawa na rin ito ng mga magsasaka't
commoner sa kanilang mga anak. Maaring ginawa nila ito upang maitaas naman ng kahit kaunti ang kanilang estado sa lipunan. Kung mailalagay sa iilang salita ito ay masasabing
"Vertical mobility by breaking the foot". Ang halimbawang ito ay nasa kasukdulan kumpara sa pagtsitsinelas, ngunit pareho sila ng paraan ng pagpasok sa ating lipunan bilang katanggap-tanggap. Sa pagtsitsinelas naman, siguro naging katanggap-tanggap ito nang minsang pumasok si Jaime Zobel de Ayala sa isa sa mga mall niya nang nakatsinelas. Ayun naman ay hula ko lamang.
Havaianas man o hindi, ay patuloy parin akong magsusuot ng tsinelas. Una dahil kumportable ang mga ito sa paa, at pangalawa, dahil uso siya. Wala pa ako sa kondisyon ng pag-iisip na maging isang
total deviant. At sa palagay ko, wala pang kolektibo at istrakturang panlipunan ang nasa estadong ito.
# correspondence ended @
9:38 AM
|