Hindi lingid sa kaalaman ng mga kaibigan ko noong high school na hindi ako kumakain ng madalas. Alam nila na puwedeng dumaan sa akin ang tatlong araw na hindi kumakain ng hindi ko namamalayan. Normal lang ito lahat para sa akin, at sa totoo lang, ipinagmamalaki ko pa ito. Hindi lahat ng tao ay may ganitong pagtagal sa hindi pagkain. Puwedeng puwe niyo akong isalang sa Survivor. Tubig lang, puwede na.
Alam rin nila na kung kakain man ako, isang cup noodles lang at sky flakes, solb na ako nun hanggang kinabukasan. Alam din nila na kakain lang ako kapag malungkot na malungkot ako. At kung nagkataon, baka makayanan kong kumain ng isang kalderong kanin with matching ulam na isang bandehado rin. Pero hindi madalas ang mga ganitong pangyayari. Kadalasan ay masaya naman ako. Kaya't kadalasan, hindi rin nakakatikim ng pagkain ang katawan ko. Kung makakatikim man ito, pilit nitong ilalabas ito upang mapanatili ang kawalan sa loob ko.
Siguro naiisip niyo na kung anong kondisyon ko. Hindi, hindi ako ganun. Para sa akin, wala ito, kahit matagal na nilang sinasabi na ganon nga ako. Tatawagin niyo akong ganun, e hindi pa naman ako buto't balat? Sa pangarap palang yun.
Kahit anong himok nila sa akin para kumain ng normal at maayos, hindi ko sila pinakinggan kahit minsan. Ngingiti lang ako, saglit na tatango at o-oo, pero sa loob ko alam kong ayaw ko at hindi ko kailangang gawin iyon. Hindi sa hindi ko sila mahal at itinuturing na kaibigan. Nakikita ko na na-a-alarma sila sa ginagawa ko, ngunit para sa akin, walang dapat ika-alarma. Buhay pa naman ako, maayos naman ang pakiramdam ko. Isa pa, kung kakain ako, tataba ako.
Pero ikaw, ang kulit mo.
Ikaw lang, sa tanan ng pagiging ganito ko ang nakapagpakain sa kin ng isang cup ng kanin at pinapigilan pa sa akin ang maasim na bolang gustong kumawala sa lalamunan ko habang kumakain. Nagagalit ka pa sa akin. Pinapanood pa mo ang bawat subo ko sa pagkain ko. Sabay ngingiti ka. Hindi ko maintindihan, pero parang ginusto ko nang ubusin ang kinakain ko noon. Nalabuan ako nun, pero ang lumalabas malinaw na gusto ko ang approval mo.
Sinabi mong dapat akong mangako sa'yo na ayusin ang pagkain ko. Nangako ako. Pero may oras talaga na mas malakas ang higit apat na taong gawain ko na ito. Sinabi ko sa'yo to, at umiyak ako. Inaasahan ko nang magagalit ka na sa akin hanggang sa mamatay tayo pareho, o hanggang mamatay ako dahil dito, pero hindi. Hindi ko inaasahan, pero umiyak ka kasama ko.
Nang mga panahon na ito, lagi akong umiiyak pagkatapos kong kumain. Hindi ko maintindihan, pero tumutulo nalang ang luha. Parang pakiramdam ko, may inilagay ako sa katawan kong hindi dapat andoon. Mag-te-text ako sa'yo, sasabihin kong nahihirapan na ako. Sasabihin mong kaya ko ito, dahil para sa ikabubuti ko ito. Ipapaalala mo ang pangako ko sa'yo. Pipikit ako hahawakan ang bracelet na bigay mo, at titigil ang luha.
Ngayon, sa bawat kalahating tasang kanin na aking pilit na inuubos at pilit ipasok sa tiyan ko, ikaw ang naiisip ko. Ikaw at ang pangakong binitiwan ko.
Salamat, Jericho.
# correspondence ended @
3:35 AM
|