Mga Kaibigan,
Ano ka sa buhay?
Kakwentuhan.
Kabiruan.
Kaklase.
Kareklamuhan.
Karamay.
Kadamay.
Katulong.
Kasama kumain.
Kasama sa di-pagkain.
Kasabay sa pag-uwi.
Kasama sa pamamasyal.
Kasama sa pagtambay.
Ilan nga ba dito ang kaya ninyong gampanan sa habang buhay kayo?
Ilan nga ba dito ang kaya kong gampanan sa habang buhay ako?
Ngayon-ngayon lang, pinaratangan ninyo akong isang irresponsable at pabayang kaibigan.
Siguro ngayon marami nang opinyon at spekulasyon na umiikot. Marahil dahil sa inis at galit ay nasabi ninyo na porket ngayon na may minamahal na ako ay wala na akong pakialam sa mundo, lalo na sa nararamdaman ng mga kaibigan ko. Na hindi ko na gusto pa ng iba pang kasalamuha, kung hindi siya lamang. Na pinili kong hindi magpaunlak sa isang imbitasyon dahil lagi na lamang siya at siya na lamang ang mundo ko.
Nasaktan ako. Hindi ko akalain na kayo pa, ang mga taong akala kong naiintindihan ako, ay sila pang hindi pala ako nauunawaan. Lalo pa't nadamay pa ang taong walang kamuwang-muwang at walang sala sa mga pangyayaring ito.
Hindi ko nasabihan ng maayos ang mga taong dapat kong sabihan at hingan ng tawad. Marami akong ginagawa at hindi ko sinasadyang makalimutan ang mga bagay na dapat ay inaalala ko. Nag-aalala ako sa aking pag-aaral dahil napaka-bigat ng mga inaasahan sakin ng aking mga magulang. Idagdag mo pa ang
pressure na naibibigay ng
scholarship ko. Nang mga panahon na hindi ko pinaunlakan ang imbitasyon upang magsaya kasama ng mga kaibigan ko dahil may okasyon ay nasa kalagitnaan ako ng pagpasan sa mga kabigatang ito.
Pero, tama. Hindi dahilan ito. Pasensya na.
Pero...
problema ko ito, hindi ba? Hindi ko dapat hinahayaan na makaapekto ito sa mga taong hindi naman problema ang suliranin ko. Hindi ba?
SABIHIN NIYONG TAMA AKO.Oo. Pag-aaral muna bago lovelife.
Oo. Friends muna bago lovelife.
Nasa lupa pa rin naman ako, hindi niyo lang ako nakikita dahil hindi ko kayo nakakasama. Hindi lang naman
siya ang mundo ko. Sana huwag kayong manghusga hangga't hindi ninyo nakikita kung ano ba talaga ang ginagawa ko sa buhay ko...o kung maari lamang ay huwag kayong magbulag-bulagan. Kayo dapat ang nakakakilala sa akin. Masakit isipin na ang pagkakakilanlan niyo sa akin ay hindi niyo na pinagkakatiwalaan.
Masakit maparatangan ng manhid. Masakit masabihan na nagbago ka na...at ikinasama mo ito.
Di ko lubos maisip na baka naitapon na ninyo lahat ng mga magagandang naipundar ko kasama niyo sa pagkakaibigan nating lahat dahil lamang sa pangyayaring yon.
Alam kong pabalang ang tono nang mga naisulat ko. Sinasadya ko yun. Alam kong dapat ay humihingi pa ako ng tawad sa mga nagawa ko, ngunit hindi ko ginagawa ngayon. Pasensya na. Pero sana naiintindihan niyo. Nasaktan ako sa sinabi ninyo. Hayaan niyo namang umalis sa pagkakakahon ang mga damdaming sinisiil ko ngayon.
Alam kong hindi ko na kayo nakakasama. Patawarin niyo ako kung sasabihin kong hindi niyo kasi ako tinatawag at inaabot. Pupuntahan ko naman kayo kung sakaling gawin niyo yun. Pero, pagkakamali ko rin siguro na inantay ko na kayo ang umabot sa akin, dahil dapat kumilos ako upang kayo ang abutin ko.
Sana naisip niyo rin na ni minsan hindi ko kayo nilimot. Ni minsan hindi nawala ang pagmamahal ko sa inyo.
Nasaktan ninyo ako.
Nasaktan ko kayo.
Patawad.
Paalam?
Ayaw ko.
Pero kung yun ang gugustuhin niyo...wala akong magagawa.
# correspondence ended @
3:06 PM
|